Monday, January 9, 2012

Hindi ko mapapatawad si Palparan--ina ng biktima

Erlinda Cadapan, ina ni Sherlyn Cadapan habang nakatingin sa kanya si Concepcion Empenio, ina ni Karen Empeno.  Sina Sherlyn at Karen ay ang dalawang estudyante ng UP na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa San Miguel Hagonoy noong Hunyo 26, 2006.



HAGONOY—Halos anim na taon na ang lumipas matapos dukutin sa Brgy. San Miguel bayang ito ang kanilang mga anak na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno noong gabi ng Hunyo 26, 2006.

Hindi man sila umaasang makita pa ng buhay ang kanilang mga anak, umaasa pa rin sila Erlinda Cadapan at Concepcion Empeno na makakamit ang hustisya.

Ito ay matapos nilang sampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention sa Regional Trial Court (RTC) sa Malolos sina retiradoing Heneral Jovito Palparan, Lt. Col. Felipe Anotado, M/Sgt. Rizal Hilario at S/Sgt. Edgardo Osorio noong Disyembre.

Ang nasabing kaso ay unang dininig nitong Lunes, Enero 2 at ang kasunod na pagdinig ay sa Pebrero 6.

Sa panayam matapos ang pagdinig sa kaso noong Lunes, sinabi ng dalawang ina na tuluyan ng nagbago ang kanilang buhay.

Naglaho na rin ang ligaya na kanilang nadarama, lalo na sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon.

“Malungkot ang Pasko namin, ang kasama lamang namin sa mesa ay ang picture ni Sherlyn,” ani Erlinda.

Gayundin ang naging pahayag ni Concepcion na nagasabi na na hindi na sila naghanda ng pagkain para sa noche buena at media noche.

“Masaya noong kasama naming si Karen kasi ang dami niyang kaibigang kasama pag dumating sa bahay,” ani Concepcion.

Para sa dalawa, ang kalihgayang hatid ng mga anak sa kanilang pamilya ay inagaw karahsang hatid ng mga armadong kalalakihan may anim na taon na ang nakakaraan.

Ang kanilang sinisisi ay walang iba kundi si dating heneral Palparan na sa panahon ng pagdukot sa kanilang anak ay nagsisilbing bilang commanding general ng 7th Infantry Division  ng Philippine Army na nakabase sa Nueva Ecija.

Ayon sa dalawang ina, sa mga unang buwan ng paghahanap kina Sherlyn at Karen ay halos silang mapanghawakang katibayan.

Ngunit noong 2007, nakatakas ang mgakapatid na Raymond at Reynaldo Manalo matapos malasing at makatulog ang mga sundalong nagbabantay sa kanila sa Pangasinan.

Ang magkapatid na Manalo ay dinukot din sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan mahigit isang taon bago makatakas.

Sa kanilang mga salaysay, sinabi ng magkapatid na nakita’t nakausap nila sa isang lihim na detachement ng mga sundalo sina Sherlyn at Karen, maging ang kasama ng mga ito na si Manuel Merino.

Si Merino ay pinatay diumano sa Bataan at sinunog ang bangkay; samantalang sina Sherlyn at Karen naman at pinahirapan at inabuso.

Hinding-hindi ko siya mapapatawad,” ani Erlinda patungkol kay Palparan at mga tauhan nito.

Ito ay dahil sa “pangbababoy” ng mga ito sa kanyang anak na si Sherlyn at kaibigang si Karen.

Kaugany nito, nagpahayag ng pagkadismaya si Cadapan sa pahayag ni Defense Secretary Voltaire Gazmin noong Martes, Enero 3 na hindi kasama ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pagtugis kay Palparan.

 “They are the security force of the people and if they will not cooperate in hunting Palparan, it’s tantamount to coddling criminals and fugitives,”  anis a isang text message ni ipinahatid ni Erlinda sa Mabuhay noong Enero 4.

Sinabi pa niya na ang pahayag ni Gazmin ay nagpapatunay lamang na hindi seryoso ang gobyerno na tulungan silang makamita ng hustsiya at mapanagot si Palapran at mga kasama nito.

No comments:

Post a Comment