Thursday, January 19, 2012

TESDA Regional Skills Olympics isasagawa sa Bulacan

TESDA Welding student habang ipinakikita ang kakayahan.


LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Enero 19 (PIA) – Daan-daang mga technical at
vocational na estudyante at tagapagsanay ang magtutunggali sa Central Luzon
Regional Skills Competition (RSC) sa darating na Enero 25 hanggang 26 sa iba’t
ibang lokasyon sa Bulacan.

Ayon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Region
III, ang RSC ay isang kompetisyon na isinasagawa kada dalawang taon bilang
paghahanda sa Philippine National Skills Competition (PNSC), at Association of
Southeast Asian Nations (ASEAN) Skills Competition.

“Ito ay itinuturing na Olympics ng mga may trabahong manwal kung saan
nagtatagpo ang mga tech-voc trainee, trainer, graduate, worker, at practitioner
upang ipamalas ang kanilang mga talento at kakayahan sa isang palaban ngunit
masayang kaganapan,” ani TESDA-III.

Ang mga magwawagi ng ginto sa RSC ang kakatawan sa Gitnang Luzon sa PNSC
na gaganapin sa Visayas sa Pebrero, at ang mga mananalo naman sa PNSC ang
lalahok sa ASEAN level sa Indonesia sa darating na Marso.

Magtutunggali ang mga kalahok sa 18 trade area kabilang na ang Mechanical
Engineering Design-CAD, Information technology/Software, Welding, Web
Design, Electrical Installation Technology, Cabinet Making, Joinery, Ladies/Men’s
Hairdressing, Beauty Therapy, Fashion Technology, Automobile Technology,
Cooking, Restaurant Service, Refrigeration, Graphic Design, Electronics,
Information Network Cabling, at Mechatronics.

May temang “Galing at Talino, Specialista ‘Pagmalaki Mo!” ang dalawang araw na
kompetisyon ay isasagawa sa iba’t ibang lokasyon kabilang na sa KorPhil-Bulacan,
Research and Training Center on Community Living (RTCCL)-Guiguinto, STI-
Balagtas, at sa Bulacan State University-Malolos.

Inaasahang dadalo si Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. bilang panauhing
pandangal sa pagbubukas ng programa sa Bulacan Capitol Gym sa Enero 25, 10:30
a.m., kasama sina TESDA Director General Joel Villanueva; Gregorio M. Sison,
Jr., pangulo ng Association of Technical Vocational Institutes in Central Luzon; at
Gobernador Wilhelmino Alvarado.

Isasagawa ang kompetisyon sa mga nakatakdang lokasyon matapos ang pananghalian. (PR-Tesda/PIA)

No comments:

Post a Comment